Patay ang magtiyuhin matapos na malunod sa bahagi ng Chico River sa Barangay Namuccayan, Sto. Niño, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Alyas Leon, 44-anyos, residente ng Taguig City, at si Alyas Marlene, 17-anyos, at residente naman ng San Jose Delmonte, Bulacan.

Ang mga biktima ay dumalaw umano sa kanilang mga kaanak sa bayan ng Sto. Niño.

Bandang alas 09:00 ng umaga ng May 31, 2025 nang magpasyang magtungo sa ilog ang mga biktima kasama ang limang iba pa upang mag-picnic at maligo.

Kalaunan ay napansin umano ng grupo na nawawala na si Marlene kaya nagpasya naman ang kanyang tiyuhin na si Alyas Leon na suungin ang ilog upang isalba at hanapin siya.

-- ADVERTISEMENT --

Malalim umano ang bahagi ng ilog na tinalunan ni Alyas Leon kaya hindi ito nagawang makaahon na nagresulta sa kanyang pagkakalunod.

Ayon naman sa pulisya, mabilis na nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng barangay sa kanilang himpilan at maging sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Sto. Niño at sa Philippine Coast Guard at agarang nagsagawa ng search and rescue operation.

Bagama’t natagpuan din si Alyas Leo sa kaparehong araw ay hindi na ito nagawang maisalba at idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Nabatid naman sa ulat ng MDRRMO na bandang 4:30 ng umaga kahapon natagpuan ng mga awtoridad ang katawan ni Alyas Marlene, 30 metro ang layo kung saan ito naligo mula sa Namuccayan Bridge.