Ilang ulit na sinubukan ng namamaos na si US President Joe Biden si dating US President Donald Trump sa kanilang unang debate para sa eleksion sa Nobyembre, habang bumanat naman si Trump kay Biden sa paghahayag ng mga kasinungalingan umano tungkol sa kanilang ekonomiya, illegal immigration at ang kanyang naging papel sa Jan. 6 Capitol insurrection.

Pumasok si Biden sa debate sa pag-asa na makukumbinsi niya ang mga botante na muli siyang ihalal habang si Trump naman ay inihayag na karapatdapat siyang bumalik sa White House sa kabila ng kanyang felony conviction sa New York.

Kaugnay nito, sinisi ni Trump si dating House Speaker Nancy Pelosi sa nangyaring pagsalakay ng kanyang mga tagasuporta sa Oval Office.

Tugon ito ni Trump sa tanong ng mediator sa debate sa kung nilabag nito ang kanyang sinumpaang tungkulin sa nasabing araw matapos na tinangka ng kanyang mga tagasuporta na harangin ang certification ng panalo ni Biden at walang ginawa upang paalisin ang mga sumugod sa White House.

Sinabi naman ni Biden na inudyukan ni Trump ang kanyang supporters na pumunta sa Capitol at umupo lang sa White House at walang ginawa habang nagkakagulo na sa labas ng gusali.

-- ADVERTISEMENT --

Inilahad ng dalawa ang kanilang mga pananaw sa iba’t ibang mahahalagang issue tulad ng abortion, ang kanilang ekonomiya at foreign policy, at ang kanilang poot sa isa’t-isa.

Hindi rin naiwasan ang personalan ng dalawa matapos na mabanggit ni Biden ang kanyang anak na lalaki na nagsilbi sa Iraq war bago namatay dahil sa brain cancer.

Binatikos ni Biden si Trump sa pagtawag sa mga Americans na namatay sa labanan na mga “suckers and losers” at binigyan diin na ang kanyang katunggali ang sucker at loser.

Itinanggi naman ni Trump na sinabi niya ang mga nasabing salita kasabay nang pagbatikos kay Biden sa magulo na pag-alis ng U.S. forces sa Afghanistan.

Binanggit din ni Biden ang conviction ni Trump sa hush money sa New York, at ipinaalala ang mga alegasyon na nagkaroon ng pakikipagtalik sa porn actress na mabilis naman na itinanggi ni Trump.

Gumanti naman si Trump sa pagsasabing mahaharap si Biden sa criminal charges sa kanyang pagbaba sa puwesto dahil umano sa kanyang mga ginawang krimen.

Tinawag pa niya si Biden na isang kriminal.

Iginiit naman ni Biden na mas nakatutok si Trump sa paghihiganti laban sa kanyang mga katunggali sa pulitika sa halip na sa maayos na pamamahala.

Nagturuan din ang dalawa sa tumataas na inflation.

Ayon kay Biden, namana niya ang sitwasyon sa Trump Administration sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iginiit naman ni Trump na maganda ang kanilang ekonomiya sa panahon ng kanyang termino.

Sa isang punto, idinipensa ni Trump ang kanyang foreign policy at sinisi si Biden sa kaguluhan sa Ukraine at Gaza, at sumiklab umano ang mga giyera dahil sa naging malaya umano na umatake ang mga aggressors dahil sa mahinang lider umano si Biden.

Sa huli, nangako si Trump na may mga plano siya para muling palakasin at gawing masigla ang U.S. government kung babalik siya sa White House, habang iginiit naman ni Biden na ang kanyang kalaban ay isang banta sa demokrasya sa kanilang bansa.

Pagkatapos ng debate, nagtungo si Trump sa Virginia habang sa North Carolina naman si Biden kung saan niya isasagawa ang kanyang pinakamalaking rally sa kanyang kampanya