Nakatakdang magsagawa ng mapayapang protesta at Unity Ride ang nasa mahigit 100 food delivery rider ngayong araw sa Tuguegarao City, kasabay ng paglulunsad ng 26th Chapter ng National Union of Food Delivery Riders (RIDERS-SENTRO).

Mula sa Barangay Centro 11, Balzain East, tutungo sila sa DOLE Regional Office sa Carig Sur upang ihain ang kanilang mga hinaing laban sa isang kilalang kumpanya.

Ayon kay Mark Anthony Arao, presidente ng naturang grupo, pangunahing reklamo nila ang napakababang bayad o share ng kumpanya para sa delivery fee na hindi sapat lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Iginigiit din nilang dapat silang kilalanin bilang mga empleyado na may karapatan sa SSS, Pag-IBIG, PhilHealth, at insurance sa mga aksidente sa kalsada.

Ibinahagi rin ni Arao ang kaso ng mga dating kasamahan na nawalan ng trabaho nang walang natanggap na anumang benepisyo.

-- ADVERTISEMENT --

Hinihikayat nila ang publiko at pamahalaan na dinggin ang kanilang panawagan dahil kung wala ang mga rider ay titigil din aniya ang serbisyong inaasahan ng mamamayan.