Photo Credit to NBI

Tuguegarao City- Huli ang isang lalaking nagpanggap na empleyado ng travel agency habang pinaghahanap din ang nagtatagong asawa nito dahil sa pangingikil sa mahigit 100 mga judge sa iba’t ibang lugar.

Ito ay matapos ipasakamay sa National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 ang warrant of arrest ng mag-asawang sina Jake Alcoran Guiyab at si Ma. Kristina Guiyab na kapwa residente sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Gelacio Bongngat, Director ng NBI Region 2, umabot sa milyun-milyong halaga ang nakulimbat ng dalawa sa mga judge na target biktimahin.

Bahagi ng kanilang modus ang mga judge na nais magbakasyon kung saan ay hinihikayat at inaalukan sila ng mga travel promo.

Sinabi ni Atty. Bongngat na hinihingan ng mga suspek ang mga biktima ng tinatayang aabot sa P180K bilang bahagi ng pagproseso para kanilang paglalakbay at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Ginagamit din umano ng dalawa ang internet upang makahikayat at makapambiktima din sa iba.

Sinabi ni Atty. Bongngat na sa pagsisiyasat ng NBI ay taong 2019 pa ng mag-umpisang mangikil ang mga ito sa mga target nilang biktima.

Matapos aniyang makatunog ng dalawang biktima ay sinubukan nilang magtago hanggang sa natunton ang lalaki habang ang asawa nito ay kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga otoridad.

Nabatid na galing ang mga ito sa National Capital Region (NCR) kung saan ay nagmula pa sa NBI Central Office ang kanilang warrant of Arrest na inilabas ng korte sa Manila.

Nahaharap ngayon ang mga ito sa kasong swindling estafa at paglabag sa cyber crime law.

Ayon kay Atty. Bongngat na nakapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P180K si Jake Guiyab.

Tinig ni Atty. Bongngat