TUGUEGARAO CITY- Mahigit 100,000 indibidwal ang nabakunahan sa Lambak ng Cagayan laban sa COVID-19 sa pagsisimula kahapon ng tatlong araw na Bayanihan Bakunahan National Vaccination drive.
Sa datos ng Department of Health Region 2 nitong Lunes, nasa kabuuang 100,113 indibiduwal na ang nabakunahan laban sa nakahahawang sakit kung saan kabilang ang rehiyon sa may pinaka-mataas na vaccination rate.
Kumakatawan ito sa 54.89% ng target na tatlong milyon sa isang araw na mabakunahan sa buong bansa at 107.65% naman ng Regional Committed Daily Target.
Dahil dito, maliit na populasyon na lamang ang kinakailangan upang makamit ang 70% target population para sa herd immunity sa rehiyon.
Samantala, ang Lungsod ng Tuguegarao ang nakapagbigay ng maraming jabs o nabakunahan sa unang araw ng National Vaccination Day sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Dr. James Guzman, City Health Officer na umabot sa 3,563 indibduwal ang nabakunahan sa anim na vaccination sites na matatagpuan sa mga malls, kabilang na ang dalawang offsite vaccination at sa ospital.
Sinabi ni Guzman na naabot na rin ng lungsod ang herd immunity matapos mabakunahan ang mahigit 70% ng kabuuang populasyon.
Gayunman, puspusan pa rin ang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan kung saan bukas ito sa publiko kabilang ang adult population at maging ang mga batang edad 12 hanggang 17-anyos.
Ngayong araw ay kasama sa mababakunahan ang mga mag-aaral sa kolehiyo o sa Higher Education Institutions na nasa Lungsod.
Mainam ayon kay Guzman na magparehistro muna online o sa kani-kanilang barangay bago pumunta sa vaccination centers.
Muli rin nitong hinikayat ang publiko na kunin ang anumang available na bakuna kontra COVID-19 dahil lahat ito ay epektibo at nabigyan ng Emergency Use Authorization.