Patuloy ang mga evacuation efforts ng mga lokal na pamahalaan sa Cagayan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Marce.
Nasa 4,397 pamilya na katumbas ng 11,882 katao ang isinailalim sa preemptive evacuation sa 21 na munisipalidad sa Cagayan na kinabibilangan ng Alcala, Allacapan, Ballesteros, Calayan, Camalaniugan, Gonzaga, Lal-lo, Lasam, Pamplona, Piat, Rizal, Sta. Ana, Sta. Teresita, at Sto Nino, batay sa situational report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay Rueli Rapsing, head PDRRMO, nagsimula na ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng preemptive evacuation kahapon ng tanghali kung saan kasama sa mga residente na isinailalim sa paglikas ang mga nakatira sa coastal municipalities, mga kabundukan, at mga mabababang lugar.
Samantala, nagbabala si Rapsing sa mga nasa low lying areas dahil sa posibilidad na pagtaas pa ng water level sa Cagayan river na nasa alert level o 4 meters na.
Kapag tumaas umano ito sa 6 meters ay maaaring magkaroon na ng pagbaha sa mga lugar tulad ng Pinacanauan Overflow Bridge, tulay na nagdudugtong sa Amulung East-West, Tana-Annabulucan, at nalalabing bahagi ng Teresa Boulevard sa Tuguegarao.
Samantala, tiniyak naman ng mga district hospital sa Cagayan na handa sila sa pagtugon sa maaaring epekto ng bagyong Marce.