
Panalo bilang “best pansiteria” ang Mariane’s Panciteria sa Pansit Batil Potun Festival 2025 matapos dagsain at tangkilikin ang kanilang bersyon ng Pansit Batil Potun sa kahabaan ng Bonifacio Street sa Tuguegarao City kung saan ginanap ang aktibidad kahapon.
Nasa 1,266 plates ng Pansit Batil Potun ang naibenta sa buong maghapon ng nasabing pansiteria na matatagpuan sa barangay San Gabriel, Tuguegarao City.
Sila ay may total sales na mahigit P151,000.
Nasungkit naman ng Jomar’s Panciteria sa Macapagal ang ikalawang puwesto na nakabenta ng 1,227 plates ng pansit, habang ikatlong puwesto ang Julie’s Panciteria sa Cataggaman Viejo na nakapagbenta ng 628 plates ng pansit.
Ang Mariane’s Panciteria ay tumanggap ng premyong P10,000; Jomar’s Panciteria, P7,000; at Julie’s Panciteria, P5,000 at ipa pang premyo.
Umabot sa 48 na lisensyadong pansiterya ang lumahok sa patimpalak kung saan nakapaghain sila ng 12,166 plates ng pansit na may P1,459,920 total sales.
Samantala, nakuha ni Jan One Romina ang 1st prize sa regular plating ng pansit eating contest na may premyo na P5,000; pangalawa si Jhon Cristian Gamboa na premyo na P3,000, at pangatlo si Domingo Gacias na may P2,000 na premyo.
Nanalo naman si Jay-R Allam sa spicy plating, pangalawa si Felix Pamittan at 3rd place si Mark Anthony Yadan.
Nakisaya rin sa aktibidad ang mga bisita mula sa Amerasian International Awards ng United State of America dahil nominado ang Favvurulun ‘Afi’ Festival sa International Best Cultural Event.
Ang Pancit Batil Potun ng Tuguegarao City ay maituturing na isang ‘culinary masterpiece’ dahil sa dami ng bersyon ng pansit sa bawa’t barangay ng lungsod.
Dinarayo rin ito ng maraming turista na patunay na mayaman ang local culinary ng lungsod ng Tuguegarao.