Nakapagtala na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ng 138 aftershocks hanggang alas-11 ng umaga kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa bahagi ng Mindanao.

Ayon sa PHIVOLCS, 47 sa mga naitalang aftershocks ang natukoy na ang lokasyon habang siyam naman ang naramdaman ng mga residente sa mga apektadong lugar.

Nasa magnitude 1.3 hanggang magnitude 6.7 ang lakas ng mga naitalang pagyanig matapos ang pangunahing lindol.

Naglabas din ang PHIVOLCS ng earthquake map na nagpapakita ng mga pagyanig na may kaugnayan sa offshore Sarangani earthquake. Ginamit sa pagsusuri ang datos mula sa General Santos Seismic Station at Don Marcelino Seismic Station sa Davao Occidental.

Samantala, patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagsasagawa rin ng pagsusuri sa posibleng pinsalang dulot ng lindol sa mga apektadong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa ulat mula sa General Santos City, muling naramdaman ng mga residente ang ilan sa mga aftershocks habang nananatili sa labas ng kanilang mga tahanan matapos ang malakas na pagyanig.