Aabot sa 18,108 residente o 5,493 pamilya ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Uwan sa Tuguegarao City, batay sa pinakahuling Situational Report ng lokal na pamahalaan ngayong Martes, Nobyembre 11, 2025, 2:30 PM.

Ayon sa ulat ng City Social Welfare and Development Office – Quick Response and Management Team (CSWDO-QRMT), umabot na sa 12 metro ang antas ng tubig sa Buntun Bridge, na itinuturing nang critical level.

Sa kabuuan, 44 barangay ang naapektuhan ng pagbaha. May 40 evacuation centers na kasalukuyang bukas para sa mga lumikas, habang 16 ang naka-standby at 3 naman ang pansamantalang isinara.

Tinatayang 1,172 pamilya o 4,489 katao ang nananatili sa mga evacuation centers, habang 4,373 pamilya o 14,639 indibidwal ang nakaranas ng pagbaha sa kani-kanilang lugar.

Nakapaglagay na rin ng prepositioned food items sa 49 barangay upang matiyak ang tuloy-tuloy na ayuda sa mga apektadong residente.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang monitoring at relief operations ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa gitna ng epekto ng Bagyong Uwan.