Iginiit ng National Citizen’s Movement For Free Elections (NAMFREL) na mula mismo sa mga datos election returns ng mga automated counting machine (ACM’s) ang naging basehan para maitala nila ang mahigit sa 18 million na over votes sa buong bana para sa pagka-senador.

Sinabi ni NAMFREL National Chairperson Angel Averia Jr., hindi nila alam kung ano ang naging basehan ng Commission on Elections (Comelec) para sabihin na ‘baseless’ ang mga naging datos na natanggap ng kanilang oraganisasyon para sa katatapos lamang na halalan.

Aniya, ang mga datos na natatanggap ng kanilang organisasyon, ng mga data centers, at maging ng mga media at maging ng publiko ay mula lamang sa iisang source at ito ay ang mga ACM na ginamit sa halalan.

Ang tanging ginawa lamang aniya ng kanilang organisasyon ay i-tally ang mga boto na mula at nanggaling sa mga ACM’s na ginamit ng komisyon.

Kasama din aniya dito ang mga datos tungkol sa precint statistics at ang mismong bilang ng mga boto.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, hindi naman nakikita ng NAMFREL na magkakaroon ito ng malaking epekto sa transparency ng national and local elections ngayong taon.

Aniya, maaari kasing mula sa pagkakamali ng mga botante na maaaring nakapag-shade ng mas marami sa dapat na i-shade sa balota at tinitignan rin kung isang deliberate act na hindi magliban ng shades sa balota ang naging dahilan ng mga sobrang bilang ng mga boto.