photo credit: MENRO-Baggao

TUGUEGARAO CITY-Muling umapela si Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan sa publiko na makipagtulungan sa pagpoprotekta sa kabundukan.

Pahayag ito ni Dunuan matapos makakumpiska ang kanilang grupo ng nasa 1,371 board feet na illegal na pinutol na kahoy sa isinagawang monitoring sa bulubunduking bahagi ng barangay Sta Margarita nitong nakalipas na araw.

Ayon kay Dunuan, umakyat siya kasama ang mga empleyado ng Municipal environment and natural resources Office(MENRO) sa kilometer 12, 13 at 14 sa barangay Sta margarita para patunayan ang natatanggap na impormasyon ukol sa talamak na illegal logging activity sa lugar.

Aniya, nagkalat ang mga pinutol na “white lauan” at chainsaw ang nakumpiska ng kanilang grupo.

Maliban sa nagmamay-ari ng chainsaw, sinabi ni Dunuan na walang naabutan ang kanilang grupo na aktong nagtotroso dahil marahil ay natunugan ng mga ito ang pag-akyat ng alkalde.

-- ADVERTISEMENT --

Dismayado naman ang alkalde dahil sakabila ng checkpoint ng DENR ay tila malayang nakakapasok ang mga illegal loggers sa naturang lugar.

Samantala, ipinaalala ng alkalde na maiiwasan ang pagguho ng lupa at pagbaha sa bayan ng baggao kung makikipagtulungan sa pagbabantay para masawata ang mga nagsasagawa ng illegal na pagtotroso.