

Muling binaha ang ilang bayan sa lalawigan ng Cagayan dahil sa tuluy-tuloy na buhos ng ulan dala ng super typhoon Goring.
Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na nasa 740 na pamilya na binubuo ng 2,306 na indibidwal mula sa 13 bayan sa lalawigan ang inilikas dahil sa hanggang tuhod na baha.
Bukod sa mga bayan sa Norte na unang nakaranas ng pagbaha noong bagyong Egay ay nakatutok ngayon ang Incident Management Team sa eastern at southern part ng lalawigan na nakararanas ng pagbaha na dulot ng malaking volume ng ulan na dala ng bagyo.
Bagamat hindi nagpakawala ng tubig ang Magat dam reservoir ay maraming lugar sa lower Cagayan ang binaha dahil sa pag-apaw ng mga tributaries o mga konektadong river system sa Cagayan River at Chico River na dulot ng patuloy na pagbaba ng tubig ulan mula sa Sierra Madre Mountains.
Sinabi ni Rapsing na bahagyan nang humupa ang tubig-baha subalit may baha pa rin sa mga bayan ng sto nino, tuao, piat at ballesteros.
Sa bayan naman ng Alcala, sapilitang inilikas ang 159 na indibidwal mula sa Barangay Cabuluan dahil sa nakitang bitak malapit sa Small Water Impounding Project (SWIP) sa naturang lugar at pinangangambahang bumigay ito.
Passable naman lahat ang national road sa probinsya, maliban lamang sa ilang mga barangay roads at low lying bridges na binaha.
Unti-unti na ring naibabalik ang suplay ng kuryente sa una at ikalawang distrito ng lalawigan na unang nawalan ng suplay sa pananalasa ng bagyo.




