Aabot na sa mahigit 2.4 milyong katao ang bumisita sa mga sementeryo at kolumbaria sa buong bansa para sa paggunita ng Undas 2025, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).

Batay sa datos ng PNP hanggang tanghali ng Nobyembre 1, nasa 2,210,070 ang nagtungo sa mga sementeryo, habang 197,070 naman ang dumalaw sa mga kolumbaria.

Nagpatupad ang PNP ng malawakang seguridad sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas 2025, kung saan umabot sa 93,839 personnel ang ipinakalat. Binubuo ito ng 31,056 pulis, 20,134 mula sa ibang ahensya ng gobyerno, at 42,649 force multipliers.

Mahigit 5,000 Police Assistance Desks ang itinayo sa 4,901 sementeryo, habang may 1,531 Motorists Assistance Centers naman sa mga pangunahing kalsada at terminal.

Naglagay din ng mga tauhan sa 70 paliparan, 682 bus terminal, 363 pantalan, at 78 estasyon ng tren upang matiyak ang maayos na daloy ng mga biyahero.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nasa 2,722 ipinagbabawal na gamit ang nakumpiska sa mga sementeryo, kabilang ang mga patalim, alak, gamit sa sugal, vape, at malalakas na sound system.

Patuloy ang pagbabantay ng PNP habang inaasahan ang mas mataas na bilang ng mga bumibisita sa hapon. Nananatili rin silang naka-alerto para sa operasyon laban sa kriminalidad at mga paglabag gaya ng ilegal na droga, sugal, at baril.

Hinimok ng PNP ang publiko na manatiling maingat, bantayan ang mga bata, at agad i-report ang anumang kahina-hinalang gawain sa pamamagitan ng Unified 911.