
Magsisimula na ngayong araw ang Private Schools Athletic Association (PRISAA) National Games 2025, kung saan handang-handa na ang Tuguegarao City bilang host para sa 10-day sporting event.
Ayon kay National President ng PRISAA at University of Cagayan Valley President, Dr. Esther Susan Perez-Mari, aabot sa mahigit 20-K delegado mula sa 400 pribadong paaralan sa buong bansa ang lalahok sa taunang torneo, na ipinagpaliban ng tatlong beses dahil sa pandemya at mga naranasang bagyo.
Inihayag naman ni PLTCol Darwin John Urani, hepe ng PNP-Tuguegarao na nasa kabuuang 50 pulis ang itinalagang magbabantay sa event kung saan tig-tatlo ang itatalaga sa bawat venue upang magbigay ng assistance, seguridad, at agarang tugon sa anumang pangangailangan.
Bukod dito ay nakahanda na rin ang Incident Management Team at iba pang ahensya para sa traffic management, medical assistance, turismo, seguridad, at iba pa.
Mayroon ding libreng sakay para sa mga atleta upang masiguro na ligtas ang mga ito patungo sa kani-kanilang venue ng palaro.
Samantala, sinabi ni Provincial Administrator Ma. Rosario Mamba-Villaflor na nasa P10 milyon ang inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang tulong sa naturang palaro maliban pa sa P50 milyon na nagawstos para sa rehabilitasyon ng mga pasilidad na gagamitin sa ibat ibang laro.
Para naman kay City Mayor Maila Ting-Que, malaking hakbang ang PRISAA para maipakilala ang lungsod na may mayamang kultura at tradisyon, bukod pa sa maipapakilala ang mga ipinagmamalaking produkto ng Lungsod.
Ayon pa sa alkalde, nasa hanggang P6 milyon na tulong ang ibinigay ng Pamahalaang Panglungsod para sa paghahanda ng UCV bilang host university ng National PRISSAA.
Samantala, nakipag-ugnayan din ang Provincial Tourism Office sa mga karatig na munisipalidad para sa pamamasyal ng mga bisita.
May QR code ding ibinigay sa mga bisita para malaman ang babayarang pamasahe sa mga namamasadang tricycle sa lungsod kung saan nanawagan si Mayor Ting-Que sa mga miyembro ng TODA na maging maayos ang pakikitungo sa mga bisita mula sa ibang rehiyon.