CTTO

Mahigit 200 na ang bilang ng mga indibidwal ang sinita at hinuli sa lalawigan ng Cagayan dahil sa paglabag sa curfew sa harap ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cagayan Police Provincial Director PCol Ariel Quilang na batay sa datos hanggang March 24, nasa 210 ang nahuli mula sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.

Ayon kay Quilang, pinakamarami sa mga nahuling lumabag sa curfew ay mula sa Tuguegarao City, sumunod ang Solana at Lal-lo.

May ibang paglabag din na ginawa ang iba sa mga naaresto tulad ng lango sa nakalalasing na inumin at ang iba ay nakatambay sa kalsada sa panahon ng curfew.

Sinabi ni Quilang na kasong paglabag sa RA 11332 for non- cooperation at reklamong paglabag sa Revised Penal Code Article 151 o “simple disobedience on operation of checkpoint” ang nilabag ng mga nahuli sa curfew.

-- ADVERTISEMENT --

Muli namang hinikayat ang mga residente na makiisa sa isinasagawang curfew mula alas otso ng gabi hanggang alas singko ng madaling araw para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.