Mahigit 200 katao ang nasawi matapos gumuho ang isang minahan ng coltan sa bayan ng Rubaya, North Kivu, silangang Democratic Republic of Congo, ayon sa mga awtoridad ng rebeldeng grupo.

Nangyari ang insidente noong Miyerkules matapos ang malakas na ulan.

Kabilang sa mga biktima ang kababaihan, bata, at artisanal miners na manu-manong naghuhukay ng mineral na ginagamit sa paggawa ng smartphones at computers.

Humigit-kumulang 20 katao ang nakaligtas at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Ayon sa dating superbisor ng minahan, hindi maayos ang maintenance ng lugar at marupok ang lupa, kaya mas naging delikado ang pagmimina at ang rescue operations.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Rubaya ay nasa ilalim ng kontrol ng M23 rebel group mula pa noong 2024.

Tinatayang 15% ng suplay ng coltan sa buong mundo at kalahati ng reserba ng DR Congo ay mula sa mga minahan sa lugar.

Inakusahan ng United Nations ang M23 ng pagpapataw ng buwis sa pagmimina para sa sariling pakinabang.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang nagluluksa ang mga pamilya at komunidad na naapektuhan ng trahedya.