SINALAKAY ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang umano’y scam hub sa Subic, Olongapo City noong Oktubre 22, kung saan naabutan ang mahigit 200 Vietnamese nationals.

Nasamsam din sa pasilidad ang mga computer, cellphone at iba’t ibang dokumentong pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon ng online scam.

Isinagawa ang operasyon ng NBI-Pampanga District Office sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 73 sa Olongapo City, matapos ang isang buwang surveillance at intelligence operation.

Sa paunang imbestigasyon, natuklasang organisado ang operasyon ng grupo na may 24-oras na shifting, hiwalay na payment desk para sa mga deposito at withdrawal, at paggamit ng iba’t ibang bank at e-wallet accounts sa paglilipat ng pera.

Batay sa mga nakuhang rekord, may mga grupong nakatalaga upang targetin ang mga biktima sa Pilipinas, United Arab Emirates at Bangladesh.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang sinusuri ng NBI ang kalagayan ng mga naabutang manggagawa upang matukoy kung mayroon sa kanila ang posibleng biktima ng human trafficking.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking at Embahada ng Vietnam para sa kanilang kapakanan, dokumentasyon at posibleng pagpapauwi sa kanilang bansa.

Inihahanda na ng NBI ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga nasa likod ng operasyon dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, Cybercrime Prevention Act, Anti-Money Laundering Act at Anti-Trafficking in Persons Act.