Nakatutok ngayon ang rescue operations ng Task Force Lingkod Cagayan at iba pang ahensya ng pamahalaan sa upstream area ng lalawigan dahil sa nararanasang pagbaha na abot hanggang bubong ng bahay bunsod ng epekto ng bagyong Nika.

Ayon kay TFLC Head Arnold Azucena, ipagpapatuloy ngayong araw ang paglikas sa mga apektado at maapektuhang residente, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan matapos umabot sa critical level na 11 meters ang tubig sa Buntun Bridge o Cagayan river.

Nakiusap rin si Azucena sa ilang residente na ayaw lumikas sa kabila ng ipinatupad na forced evacuation na kung kinakailangang puwersahin ay gagawin nila.

Bukod sa pagpapalikas ay nakatutok naman ang medic team ng TFLC, katuwang ang Municipal at Provincial Health Office sa kalusugan ng mga pamilyang inilikas lalo nat may mga nagkakasakit na sa mga evacuation center.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 7000 pamilya o mahigit 24,000 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa 22 bayan at isang lungsod sa Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa pinakahuling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, pinakaraming apektadong pamilya ay sa bayan ng Baggao, Solana at Tuguegarao City.

Halos tatlong libo sa mga pamilyang ito ay tumutuloy ngayon sa 90 mga evacuation centers.

Ang pagbaha ay bunsod ng ulang ibinuhos ng bagyong Nika mula sa mga kabundukan ng Sierra Madre, Caraballo at Cordillera.

Bagamat moderate lamang ang ulan na dala ng nagdaang bagyo sa lalawigan subalit dahil sa malakas na pagulan sa bahagi ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at mga lalawigan sa Cordillera ang naging sanhi ng pag-apaw ng tubig sa Cagayan river.

Sa kasalukuyan ay may dalawang unit ng spillway gate sa Magat dam ang nakabukas na may opening na tatlong metro.

Alas-11 kagabi, ang elevation ng dam ay nasa 188.89 meters above sea level, 4.11 meters lang bago ito umabot sa spilling level na 193 meters above sea level.

Una na rin sinabi ni Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS na ang pagpapakawala ng tubig ay upang mapanatiling ligtas ang antas ng tubig sa dam at bilang paghahanda sa panibagong bagyo.