Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na mahigit 270,000 police officers at non-uniformed personnel (NUPs) ang tatanggap ng P20,000 Service Recognition Incentive (SRI) para sa 2025.

Ayon sa PNP, 227,734 na kwalipikadong pulis at NUPs ang makakatanggap ng insentibo, na may kaukulang buwis. Ang payout ay nakatakdang gawin sa Biyernes, Disyembre 19.

Sinabi ni PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang one-time incentive ay pagkilala sa dedikasyon at propesyonalismo ng mga kawani ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Umaabot sa P4.23 bilyon ang kabuuang pondo para sa SRI ngayong taon. Saklaw nito ang mga pulis, NUPs, at maging ang uniformed personnel, NUPs, at cadets ng Philippine National Police Academy (PNPA).

Batay sa Administrative Order No. 40 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DBM Budget Circular No. 2025-3, ang SRI ay ibinibigay sa mga kawani ng gobyerno na may regular, contractual, o casual na posisyon na nakapaglingkod nang hindi bababa sa apat na buwan na may kasiya-siyang performance hanggang Nobyembre 30, 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga may mas mababa sa apat na buwang serbisyo ay tatanggap ng prorated na insentibo. Hindi kwalipikado ang mga may pending administrative o criminal cases, maliban kung reprimand lamang ang parusa.

Bukod dito, 227,925 active personnel din ang tatanggap ng P5,000 Productivity Enhancement Incentive (PEI) bilang pagkilala sa kanilang produktibidad at performance.

Ayon kay Nartatez, ang SRI, PEI, at mga paparating na salary adjustment ay pagkilala sa sipag at dedikasyon ng mga kawani ng PNP at magsisilbing inspirasyon upang magpatuloy sa tapat at mahusay na serbisyo sa sambayanang Pilipino.