TUGUEGARAO CITY-Umaabot na sa 2,135 na Overseas Filipino Worker(OFWs) na unang bumalik sa bansa na apektado dahil sa coronavirus disease (Covid-19) ang napauwi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)sa lambak Cagayan.

Ayon kay Luzviminda Tumaliuan ng Owwa-Region 2, mula sa nasabing bilang, 637 ay mula sa Cagayan, 953 sa Isabela, 250 sa Nueva vizcaya , 102 sa Quirino , 20 sa Batanes at ang iba ay mula sa mga kalapit na probinsiya ng Cordillera Administrative Region (CAR)at Region 3.

Aniya, nasa apat na buses kada araw ang sumusundo sa mga OFWs kung saan nasa 18 hanggang 20 ang isinasakay sa isang bus kasama ang ilang kawani ng OWWA at ibang kinauukulan .

Paliwanag ni Tumaliuan, bago sasakay sa mga nagsusundong bus ang isang OFW na uuwi sa probinsiya ay kailangang may maipakitang resulta ng swab test na isinagawa sa Bureau of Quarantine na nagpapatunay na siya ay negatibo sa virus.

Habang papauwi ang mga OFWs sa rehiyon, ang Owwa na ang makikipagkoordinate sa mga Local Government Unit na uuwian ng isang OFW dahil ang LGU na ang magsusundo sa kanilang residente sa lugar kung saan ibinababa ang mga umuuwing OFWs.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang dinadala ng mga LGU ang mga OFWs sa kanilang mga quarantine facility para ipagpatuloy ang kanilang 14-day quarantine bilang pag-iingat pa rin sa virus.

Pinayuhan naman ni Tumaliuan ang publiko na babalik sa ibang bansa na mag-email lamang sa kanilang gmail account na “Region 2 @owwa.gov.ph kung saan dapat nakasaad kung kailan ang kanyang byahe papunta sa kalakhang maynila at kung kailan ang flight nito.

Sinabi ni Tumaliuan na ito ay para maiayos at para masabihan ang driver ng bibyaheng bus na may sasabay papuntang Maynila.

Kailangan lamang aniya na mayroong medical certificate mula sa lugar ng pinanggalingan, travel pass at ang mga dokumento na nagpapatunay na kailangan nitong umalis sa bansa.

Samantala, sinabi ni Tumaliuan na mahigit P26M na ang naipaabot na tulong sa mga displaced OFWs katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa programang DOLE-AKAP kung saan nasa 4,951 ang naaprubahan na nabigyan at mabibigyan ng tulong mula sa 7,000 na nag-apply at makakatanggap ng tig-P10,000.