Pinag-aaralan na ng kampo ni Tuguegarao City Mayor elect Maila Ting-Que ang pagsasa-ayos sa paradahan ng mga pampasaherong van at bus kasabay ng pagsasara sa Tuguegarao City Transport Terminal, Inc. na matatagpuan sa Brgy. Leonarda.
Bagamat hindi pa pormal na nakakaupo, sinabi ng susunod na alkalde ng Lungsod na ginagawan na niya ito ng paraan.
Matatandaang, epektibo nitong Linggo, June-19 nang hindi na ipinagamit sa mga van at bus ang naturang terminal na pagmamay-ari ng pamilya Tuddao dahil sa nagpasong franchise.
Bukod pa umano ito sa P7-M na utang sa upa ng dating nangangasiwa sa terminal na si Susan Borja.
Samantala, batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo ay inaayos na rin ng susunod na mangangasiwa sa terminal ang mga dokumento upang maipagpatuloy ang operasyon nito ngunit papalitan ang pangalan nito sa Tuguegarao Inter-Modal Transport Terminal.
Kasabay nito ay hiniling ng Van Operators and Drivers Association (VODA) na payagan muna silang pumarada sa naturang terminal habang inaayos ng bagong management ang mga kaukulang dokumento.
Ayon kay Lando Ternado, van driver na ilan sa kanilang kasamahan ang hindi na itinuloy ang namasada kahapon dahil sa pagsara ng terminal.
Matatandaan na Enero 2014 nang binigyan ng Authority to Operate ng konseho ang terminal na may layuning mailabas sa sentro ng lungsod ang mga terminal ng van para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko.
Sa ngayon ay nasa halos dalawang libong units ng van, maliban pa sa mga bus ang gumagamit sa naturang terminal na bumibiyahe sa lalawigan at sa labas ng rehiyon.