

Nasa mahigit tatlong-libong establisyimento mula sa kabuuang 4,145 na binisita ng Department of Labor and Employment sa Cagayan Valley ang wala pa ring first-aid responders.
Ayon kay Laura Deciano, chief technical support services division ng DOLE-RO2 na ito ngayon ang tinututukan ng ahensya sa pagbibigay ng life-saving courses tulad ng basic at advance first aid training sa mga employers at empleyado partikular na ang mga nagtatrabaho sa mga maliliit na negosyo.
Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng developmental approach ng DOLE sa mga micro-establishments, alinsunod sa Republic Act No. 11058, o ang Occupational Safety and Health Standards (OSHS) upang maiwasan ang aksidente sa lugar-paggawa.
Katuwang ng DOLE ang Philippine Red Cross ay ituturo sa mga kalahok ang Cardio Pulmonary Resuscitation (CPR), wastong pagsasagawa ng bandaging, bleeding control, lifting and carrying techniques at basic life support.
Layunin ng pagsasanay na bigyan ang mga nasabing kalahok ng kasanayan sa first-aid para maging handa sila sakaling may mga mangyaring emergencies sa kanilang mga trabaho.










