Mahigit 30 sinkhole ang lumitaw sa San Remigio, Cebu matapos ang magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa lalawigan nitong Martes.

Ayon sa ulat, umabot na sa 32 ang naitalang sinkhole sa bayan, at inaasahang madaragdagan pa habang nagpapatuloy ang inspeksyon ng mga awtoridad.

Kasabay nito, patuloy ang mapping ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bogo Bay Fault—ang pinagmulan ng malakas na lindol na nag-iwan ng mahigit 70 patay at higit 500 sugatan.

Nag-aalala naman ang mga residente sa mga bitak sa kalsada at sa mga bahay na itinayo mismo sa ibabaw ng fault line.

Marami sa kanila ang nawalan ng tirahan at kasalukuyang nananatili sa mga pansamantalang evacuation site.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Red Cross na magtatayo ng “tent city” para sa 2,500 pamilyang apektado.

Kasabay nito, magbibigay ng mga hygiene kit at mga pangunahing kagamitan sa mga nawalan ng tahanan.

Inihayag din ng Department of Tourism na kabilang sa mga bibigyan ng tulong at alternatibong kabuhayan ang mga nawalan ng hanapbuhay, partikular ang mga manggagawa sa turismo.

Samantala, sinimulan na ng DPWH ang clearing at repair ng mga kalsadang nasira upang mapabilis ang rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.