Isinailalim na sa forced evacuation ang ilang residente sa Isabela at sa dalawang coastal towns nito dahil sa banta ng bagyong Kristine.

Ayon kay Lt. Col Melvin Assuncion, Chief Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, halos 100 pamilya o katumbas ng mahigit 300 indibidwal ang inilikas sa bayan ng Gamu, Echague, Jones, Divilacan at Maconacon.

Katuwang ng 86th Infantry Battalion sa paglikas sa mga residente ay ang PNP, BFP, at PCG.

Dagdag pa ni Asuncion, hindi na rin madaanan ang anim na tulay sa lalawigan matapos umapaw ang ilog dahil sa ulang dala ng bagyo.

Samantala, isinailalim naman sa preemptive evacuation ang 43 pamilya na binubuo ng 114 katao dito sa lalawigan ng Cagayan dahil pa rin sa banta ng bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos as of 1PM ngayong araw, ang mga inilikas ay mula sa Brgy. Bicud, Lal-lo; Brgy. Centro 2, Portabaga, San juan at San Miguel sa bayan ng Sta. Praxedes at sa Brgy Carupian, Baggao.

Dalawang pamilya naman na katumbas ng limang katao ang binaha sa Brgy Batu, rizal, Cagayan.

Ilang overflow bridges na rin sa lambak Cagayan ang hindi madaanan matapos na tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog.