Target ng pamahalaan na makapagtayo ng mahigit 300 rice processing centers sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong taon upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., layunin ng proyekto na paunlarin ang post-harvest infrastructure, bawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka, at maiwasan ang hindi ligtas na pagpapatuyo ng palay sa mga kalsada.

Dagdag pa ni Marcos, patuloy ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabagong makinarya, sapat na agricultural inputs, at crop insurance upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa pinsalang dulot ng kalamidad.

Samantala, sinabi rin ng Pangulo na ang Department of Agriculture (DA) ay nagbibigay ng motorized boats at iba pang kagamitang pangkabuhayan sa mga mangingisda upang mapalakas ang kanilang hanapbuhay.