Mahigit 3,000 na bahay ang nasira sa bayan ng Abulug, Cagayan sa pananalasa ng bagyong Marce.
Sinabi ni Georgina Tabor, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO na sa initial data, umaabot sa 3,131 ang sinira ng bagyong Marce.
Sa nasabing bilang 2,825 ang partially damaged habang 264 naman ang totally damaged.
Sinabi ni Tabor, posibleng madagdagan pa ang nasabing bilang dahil sa hindi pa nararating ang iba pang mga barangay.
Bukod dito, sinabi ni Tabor na may mga eskuwelahan na nabagsakan ng mga punong-kahoy at nailipad ang mga bubungan.
Ayon sa kanya, batay sa initial damages mula sa engineering office, aabot na ngayon sa P8 million ang pinsala sa mga imprastraktura sa kanilang bayan.
Idinagdag pa ni Tabor na buhat noong November 6 hanggang sa ngayon ay wala pa silang supply ng kuryents bunsod ng mga natumba na mga poste ng kuryente at maraming mga kawad ang napigtas at naputol.
Sinabi pa ni Tabor na nagsimula nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga isinailalim sa forced evacuation kahapon matapos na maglabas ng advisory ng Cordillera Administrative Region na bababa ang tubig mula sa Kabugao, Apayao na posibleng magdulot ng flashfloods.
Nagpapasalamat na lamang sila dahil sa humuhupa na ang tubig sa ilog.
Ayon sa kanya, nasa mahigit 5,000 ang lumikas sa mga evacuation centers at sa kanilang mga kaanak at kapitbahay na mula sa ito sa 20 barangay ng Abulug.
Sinabi niya na nakapagbigay na rin sila ng relief goods at iba pang pangangailangan ng mga evacuees at nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para sa augmentation.