Binaha ang buong bayan ng isla sa Cebu, habang maraming sasakyan, mga truck at maging ang shipping containers ay tinangay ng malakas na agos ng tubig na may kasamang putik.

Ayon sa provincial information office ng probinsiya ng Cebu, 39 ang kumpirmadong namatay, kung saan hindi pa kasama dito ang mga nasawi sa Cebu City.

Nasa lima ang naitala na namatay sa ibang mga probinsiya, kabilang ang isang matanda na nalunod sa itaas na bahagi ng kanilang bahay sa Leyte at isang lalaki na tinamaan ng natumba na puno sa Bohol.

Bago ang landfall ng bagyong Tino, nagbuhos ito ng 183 millimeters o pitong pulgada na ulan, malayo sa 131-millimeter na average na ulan sa isang buwan, ayon sa state weather bureau.

Kaugnay nito, sinabi ni Cebu Governor Pamela Baricuatro, matindi ang pinsala na iniwan ng bagyong Tino dahil sa malawakang mga pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ang kanilang kinatakutan ay ang dalang hangin ng bagyo, at hindi nila inasahan ang maraming dalang ulan ng sama ng panahon.

Ayon naman sa mga local disaster officials sa Cebu City, may narekober sila na katawan ng dalawang bata, at sinisikap na marating ang mga residente na nakulong dahil sa mga pagbaha.

Samantala, nagbabala ang mga scientist na lumalakas ang mga bagyo dahil sa climate change na resulta ng mga ginagawa ng mga tao sa kalikasan.

Ayon sa mga ito, ang mas mainit na katubigan ang nagbubunsod ng mabilis na paglakas ng mga bagyo, at ang mas mainit na atmospera ay magdadala ng mas malalakas na mga pag-ulan.