Mahigit 400 libong indibidwal o katumbas ng mahigit 130 libong pamilya sa mahigit 700 barangay sa Region V, Region VIII, at Caraga ang naapektuhan ng Bagyong Ada, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa tala ng ahensya, nasa mahigit 5 libong indibidwal o mahigit 1 libong pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mahigit 300 evacuation centers na itinalaga ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, mahigit 15 libong indibidwal o halos 4 na libong pamilya naman ang pansamantalang nananatili sa labas ng mga evacuation center.

Nananatili sa dalawa ang naitalang nasawi habang dalawa rin ang naiulat na sugatan dahil sa epekto ng bagyo.

Kaugnay nito, iniulat ng NDRRMC na 185 lugar ang nakaranas ng pagbaha, habang 33 kalsada at isang tulay ang pansamantalang hindi madaanan.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang isinasagawang damage assessment ng ahensya sa kabuuang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura at sektor ng agrikultura sa mga apektadong lugar.