
Umabot sa mahigit 450,000 magsasaka sa Cagayan Valley ang nasaklaw ng crop insurance ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) noong nakaraang taon bilang proteksyon laban sa peste, tagtuyot, at mga kalamidad.
Ayon kay PCIC Regional Manager Mario Lumibao, patuloy na pinalalawak ang mga programa ng ahensya upang makinabang hindi lamang ang mga magsasaka at mangingisda kundi pati ang mga agricultural laborer na kulang sa social protection.
Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan, sa ilalim ni Gobernador Edgar Aglipay, ang pagbibigay-prayoridad sa insurance ng mga manggagawang bukid, na sinusuportahan ng humigit-kumulang P21 milyong pondo.
Umabot sa P656 milyon ang crop insurance fund noong nakaraang taon at tumaas sa P707 milyon ngayong taon para palawakin ang saklaw sa palay, mais, pangisdaan, makinarya, at iba pang agricultural assets.
Nilinaw ng PCIC na dumaraan sa masusing beripikasyon ang insurance claims, kabilang ang rehistrasyon sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture, at isang magsasaka lamang kada pamilya ang maaaring maghain ng claim para sa lupang hanggang tatlong ektarya.
Bukod sa crop insurance, nag-aalok ang PCIC ng abot-kayang insurance tulad ng Agricultural Producers Protection Plan (AP3), Accident and Dismemberment Security Scheme, at Loan Repayment Protection Plan.










