Tiniyak ng Northern Luzon Command o NOLCOM na naka-activate na ang lahat ng kanilang ‘election monitoring center’ upang masiguro ang ligtas at maayos na halalan.
Kasabay nito, sinabi ni LTCOL Elmar Salvador, tagapagsalita ng NOLCOM na kabilang ang lalawigan ng Abra sa mahigpit nilang tinututukan bilang dagdag pwersa ngayong eleksyon.
Kabilang din sa kanilang gagampanan ang pagbibigay ng area security at pagtiyak sa kaligtasan ng mga tumatakbong kandidato mula Region 1,2,3 at Cordillera region.
Sinabi ni Salvador na nakaalerto ang kabuuang 4,509 na Airforce, Army, at Naval unit sa ilalim ng NOLCOM sa anumang uri ng banta ngayong halalan.
Inihalimbawa ni Salvador ang matagumpay na pagkakadakip ng 24 na umanoy civilian security personnel ng isang mayoralty candidate ng General Tinio, Nueva Ecija sa agarang pagresponde ng AFP at PNP sa tulong ng mga residente.