Nasunog ang higit limang ektarya ng grassland sa Taal Volcano Island matapos sumiklab ang grassfire kahapon ng tanghali na naapula matapos ang dalawampu’t isang oras.

Inihayag ni Reyan Derrick Marquez, Office of Civil Defense (OCD) Calabarzon spokesperson na maglulunsad sila ng aerial inspection upang matukoy ang naiwang pinsala ng grass fire.

Sa kasalukuyan ay kinukumpirma pa ng CD-Calabarzon kung naapektuhan ang monitoring station ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lugar.

Batay sa ulat ng PHIVOLCS, unang nakunan ng kanilang mga IP Camera ang grassfire bandang 11:24 ng umaga ng Martes sa may timog kanluran bahagi ng Taal Volcano Island kung saan direktang apektado ang Binintiang Munti Observation Station.

Naideklara namang fire out ang sunog kaniang alas-9 ng umaga.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtulong-tulong ang mga bumbero mula sa San Nicolas Fire Station, Coast Guard San Nicolas at Agoncillo stations kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa pag-apula sa sunog.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.