TUGUEGARAO CITY-Mahigit 100 pamilya na katumbas ng 500 indibidwal ang kasalukuyang nasa iba’t-ibang evacuation center sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan na dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, kusa nang lumikas ang mga nasabing indibidwal sa mga evacuation center dala nang naranasang pagbaha nitong nakalipas na buwan kung saan biglaan ang paglaki ng tubig.
Aniya, mula sa 11 evacuation center na binuksan ng lungsod ay anim na ang may mga lumikas kabilang na ang ilang residente ng Brgy Centro 1, 9 , 10,11, Linao East, Anafunan East at Gosi.
Sinabi ng alkalde na istriktong kinukuhanan ng body temperature ang bawat evacuee para matiyak na walang sintomas ng covid-19 ang mga papasok sa mga evacuation center.
Paliwanag ng alkalde, kung sakali man na mayroong sintomas ang isang evacuee ay agad na ilalagay sa isolation facility para maobserbahan at hindi magkalat ng virus.
Pansamantala namang inilikas ang 14 na indibidwal na binabantayang covid-19 related patients mula sa isolation facility ng barangay Namabbalan sa Peoples General Hospital dahil sa posibleng pagbaha.
Sa naging panayam kay Rueli Rapsing, head ng PDRRMO-Cagayan, patuloy ang kanilang pagtutok sa level ng tubig sa ilog Cagayan kasunod nang pagpapakawala ng tubig ng magat dam reservoir at tuloy-tuloy sa buhos ng ulan sa probinsya.
Ayon kay Rapsing, bukod sa mga mababang lugar dito sa lungsod ng tuguegarao, nakabantay din sila sa bayan ng Amulung partikular sa Brgy. Masical, Pacac at Cordova maging sa bayan ng Alcala dahil sa posibleng pagbaha.
Kaugnay nito, pinayuhan ni rapsing ang publiko lalo na ang mga nasa mababang lugar na maging alerto at lumikas na kung kinakailangan.
Samantala, agad na nagsagawa rin ng pre-emptive evacuation ang local government Unit (LGU)-Alcala bilang pag-iingat sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog cagayan.
Sinabi ni Atty. Tin Antonio, mayor ng Alcala na patuloy ang kanilang monitoring lalo na sa mga mababang lugar.
Kaugnay nito, nanawagan ang alkalde na kung maaari agad ng lumikas para maiwasan ang anumang aksidente at maghanda na rin ng tubig inumin at pagkain.