TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa 1,259 na pamilya na binubuo ng 5,774 na indibidwal mula sa 14 na bayan ang apektado ng pagbaha at landslide sa Cagayan dahil sa patuloy na pag-ulan.
Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Task Force Lingkod Cagayan, mula sa nasabing bilang, 758 na pamilya na may 3,362 na indibidwal ang nasa 24 na iba’t-ibang evacuation center sa probinsiya.
Nasa 165 na pamilya naman na may 3,976 indibidwal ang pansamantalang nakitira sa kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak.
Samantala,mananatiling suspendido ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan, bukas Araw ng Biyernes, Disyembre-06 sa buong probinsiya ng Cagayan.
Ito ay batay na rin sa rekomendasyon ng Provincial Climate Change and Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO) sa tanggapan ni Governor Manuel Mamba.
Layon nitong masiguro ang kaligtasan ng lahat dahil sa nararanasang pagbaha at landslide sa buong probinsiya.
Bukod dito, ipinatupad na rin ng pamahalaang panlalawigan ang “Liquor Ban” sa buong probinsiya.