Kusang lumikas ang 14 pamilya sa Sta. Praxedes, Cagayan dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa na maaaring idulot ng bagyong ‘Ramon’.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Mary Mae Baclig ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na lumikas sa municipal evacuation center ang 63 indibidwal na mula sa Barangay Cadondongan.
Sinabi ni Baclig na dahil sa hindi pa nakakarekober ay nagdulot ng takot sa mga pamilyang lumikas ang naranasang pagbaha na dulot ng cold front na pinalala ng bagyong ‘Quiel’.
Tuluy-tuloy naman ang monitoring ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) sa estado ng lebel ng tubig sa Cagayan river na tumaas na ng ilang metro.
Ayon kay Rueli Rapsing, head ng TFLC na handa na ang kanilang mga rescue equipments, maging ang mga medical supplies na ipapamahagi sa maapektuhan ng bagyo.
Nagsasagawa na rin ng pag-iikot ang TFLC mula sa pitong command stations nito sa lalawigan upang abisuhan ang mga residenteng nasa ilog at ibang coastal areas para sa pre-emptive evacuation.
Samantala, nananatiling isolated ang Barangay Patunungan sa bayan ng Sta. Ana dahil sa soil erosion matapos gumuho sa kalsada ang ilang parte ng bundok dahil sa mga pag-ulan.
Pinangangambahan din ni Rapsing na posibleng bumigay ang isang dam sa Barangay Silagan, Allacapan na una nang nakitaan nang bitak noong kasagsagan ng malawakang pagbaha.
Sa pagtaya ng PAGASA, Lunes magla-landfall ang bagyo sa probinsya ng Cagayan.