Aabot sa 688 na trabaho ang naghihintay sa mga job seekers na lalahok sa ikakasang face-to-face Job and Trade Fair ng Department of Labor and Employment sa Integrated Terminal Complex, Malvar, Santiago City, Isabela, bukas December-8.
Ayon kay DOLE Region 2 Information Officer Chester Trinidad, ang isasagawang one-day jobs fair ay kaugnay sa selebrasyon ng ika-88 taong anibersaryo ng DOLE kung saan 11 employers ang makikilahok sa nasabing job fair na nagbukas ng 688 na trabaho sa lokal at ibang bansa.
Sinabi ni Trinidad na maaaring magpre-register ang mga aplikante sa DOLE Job Fair link na makikita sa kanilang FB page para mapabilis ang pagproseso ng mga employers ng kanilang aplikasyon.
Tatanggapin naman ang mga walkin applicants at kailangan lamang dalhin sa venue ang resume, application letter, photocopy ng transcript of record, diploma at certificates.
Dagdag pa ni Trinidad na ang mga aplikante na hindi papalarin sa job fair ay maaaring irefer sa ibang ahensya ng pamahalaan para sa livelihood assistance at mga trainings.
Kasabay nito ay isasagawa din ang trade fair kung saan tampok dito ang mga lokal na produkto ng mga asosasyon mula sa ibat-ibang probinsiya ng rehiyon na nasa ilalim ng DOLE.
Magkakaroon din ng one stop shop ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng PSA, NBI, SSS, BIR, PAG-IBIG, PHILHEALTH, DFA, DTI, POEA at iba pa.
Bukod dito ay magsasagawa rin ng vaccination drive ang DOLE para sa mga empleyado kung saan aabot na sa 1,500 construction workers sa rehiyon ang bakunado na kontra COVID-19.