Inirekomenda ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO- Allacapan ang pagdedeklara ng state of calamity dahil sa epekto sa sektor ng agrikultura ng bagyong ‘Maymay’.
Sinabi ni Mayor Harry Florida na ito ang kanilang tinalakay sa kanilang pulong kung saan nasa 7,000 ektaryang palayan na malapit ng anihin ang lubog sa tubig-baha.
Isolated rin ang Barangay Gagadangan matapos na malubog sa baha ang kalsada habang may apat pa na kalsada ang impassable dahil sa pagbaha.
Sinabi pa ng alkalde na marami na rin silang evacuees subalit sa ngayon ay hindi pa nila matukoy ang bilang dahil kasalukuyan pa ang ginagawang accounting.
Sa ngayon, aabot na sa 1,874 na pamilya na binubuo ng 7,165 na indibidwal ang apektado bunsod ng bagyong Maymay na nagdadala ng patuloy na pag-ulan sa lalawigan.
Batay sa pinakahuling monitoring, ang mga apektadong pamilya ay mula sa 34 barangay ng 9 na bayan na kinabibilangan ng Camalaniugan, Allacapan, Santa Teresita, Pamplona, Buguey, Claveria, Gonzaga, Lal-lo at Aparri.
Patuloy naman ang isinasagawang pre-emptive evacuation sa bayan ng Baggao dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa kung saan naunang inilikas ang 18 pamilya na may 62 indibidwal mula sa Brgy. Taytay.
Sa ngayon, passable pa ang lahat ng mga kalsada at tulay sa Baggao, ngunit patuloy ang monitoring dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig kasunod ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan dulot ng bagyong “Maymay”.
May ilang kalsada na rin ang hindi madaanan sa bayan ng Lasam, Allacapan at Buguey dahil sa nararanasang pagbaha.