Sumampa na sa 8,642 paaralan sa 43 school divisions sa anim na rehiyon ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Maasim, Sarangani nitong Lunes, ayon sa Department of Education (DepEd).

Sa pinakahuling ulat ng DepEd, 4,090,246 na mag-aaral at 156,282 guro at kawani sa Regions IX, X, XI, XII, BARMM at Caraga ang naapektuhan ng suspensyon ng klase.

Sa paunang damage assessment, 381 silid-aralan ang may bahagyang pinsala, 93 ang malubha ang sira, at 62 ang tuluyang nawasak, bagama’t patuloy pa itong bineberipika ng mga engineer.

Nag-utos si Education Secretary Sonny Angara ng agarang inspeksyon sa mga paaralan, lalo na sa Region XII, at tiniyak na sasailalim sa masusing pagsusuri ang lahat ng pasilidad bago ipagpatuloy ang face-to-face classes.

Patuloy ring nagsasagawa ng search and rescue at damage assessment ang mga awtoridad habang pinapayuhan ang publiko na umiwas sa mga nasirang gusali dahil sa posibilidad ng malalakas na aftershock.

-- ADVERTISEMENT --