Nagresulta sa recovery ng 981 na mga buto, kung saan 887 ay kumpirmadong mga buto ng tao ang paghahanap sa missing sabungeros, na pinaniniwalaan na itinapon ang kanilang mga labi sa Taal Lake.
Kabilang sa mahigit 800 na buto ng tao ay ang tatlong set ng kalansay ng tao na nakuha sa isang sementeryo.
Ang mga nakuhang 981 na mga buto kabilang ang 887 na kalansay ng tao, ay resulta ng search operations na isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) mula July 10 hanggang October 12.
Umabot sa 60 operations ang isinagawa ng PCG, kung saan 35 dito ay may mga nakuhang mga buto.
Subalit sinabi ni DOJ Spokesperson Polo Martinez, kailangan ang conclusive DNA result para makumpirma kung ang mga nakuhang mga buto ng tao ay mula sa nawawalang mga sabungero.
Nakakolekta na ang mga awtoridad ng 33 reference DNA samples mula sa mga pamilya ng missing sabungeros para sa cross matching sa mga nakuhang mga buto.
Sinabi ni Martinez na wala pang isinagawang cross matching.
Tinapos na kahapon ng DOJ panel of prosecutors ang preliminary investigation sa mga kasong kriminal na inihain laban kay businessman Charlie “Atong” Ang at maraming iba pa para sa murder, kidnapping, direct bribery, at tampering of passports.
Sinabi ni Martinez na isasailalim nila sa evaluation ang counter-affidavits at sa mga hawak nilang mga ebidensiya upang alamin kung may sapat na basehan para maghain ng kaso sa korte habang hinihintay ang resulta ng DNA.