Aabot sa 8,100 pamilya ang inaasahang makikinabang sa 47 proyektong naaprubahan sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sa loob lamang ng halos isang taon, ayon sa Social Housing Finance Corporation (SHFC).

Sinabi ni SHFC President at CEO Federico Laxa na pinabilis ng ahensya ang pagproseso ng ECMP kaya halos linggu-linggo silang namamahagi ng tseke sa mga benepisyaryo kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Aliling.

Aniya, layunin ng programa na gawing mas abot-kaya ang pagmamay-ari ng bahay sa pamamagitan ng pagsagot ng gobyerno sa ilang gastusin sa pagkuha ng titulo ng lupa.

Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Laxa ang pag-usad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, kung saan naitayo na ang apat na high-rise buildings sa Crystal Peak sa San Fernando, Pampanga, habang isinasagawa na ang ikalawang yugto ng proyekto.

Patuloy din ang pagtatayo ng mga vertical housing project sa Tagoloan, Misamis Oriental, Davao City, Maynila, Puerto Princesa, Palawan, at iba pang lalawigan.

-- ADVERTISEMENT --