Tuguegarao City- Umabot na sa 97, 393 bags ng bigas ang naipamahagi ng National Food Authority (NFA) Cagayan sa tanggapan ng mga LGUs at DSWD.
Sa panayam kay Emerson Ravilas, Manager ng NFA Cagayan, hindi nakaranas ng kakulangan sa supplay ang kanilang tanggapan sa gitna ng patuloy na pamamahagi ng bigas bilang ayuda sa gitna ng epekto ng COVID-19.
Ito aniya ay bunsod na rin ng naisabay ang harvesting season sa produktong palay ngayong taon.
Sinabi pa niya na ilan din sa mga LGUs ang bumibili ng bigas upang ipang-ayuda sa private traders na isa pa sa dahilan kaya’t hindi nagkaroon ng shortage.
Sa ngayon ay patuloy pa rin aniya ang pamamahagi ng kanilang tanggapan sa mga LGUs sa Cagayan ng bigas kasama na ang nasa 8750 bags ng korean rice na idinonate ng Republic of Korea.
Giit pa niya ay naghain na rin sila ng proposal upang tutukan ang proyekto sa pagtatayo ng malalaking warehouse at drying facilities sa bahagi ng Camalaniugan, Sanchez Mira at iba pang lugar na itinuturing na “high production area”.
Ayon pa kay Ravilas, nagpapatuloy din aniya ang naturang tanggapan sa pagbibigay ng supply ng bigas sa NCR kung saan ay una ng nakapag-deliver ng nasa 15,300 bags.
Samantala, umaaasa ang NFA Cagayan na aaprubahan na ang kanilang kahilingan na madagdagan ng P2.00 o gawing P21.00 ang presyo ng pagbili ng palay mula sa kasalukuyang P19.00.