Mahigit P1.3 milyon halaga ng marijuana bricks ang naharang sa COMELEC checkpoint na tinangkang ipuslit ng dalawang pasahero sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay PCAPT Ruff Manganip, tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office, nasa 11 piraso ng marijuana bricks na may timbang na 11Kgs ang nakuha sa magpinsang suspek na edad 44 at 46 at kapwa residente ng Tinglayan proper.
Nabatid na isinumbong ng iba pang pasahero ng pampasaherong jeep ang dalang marijuana ng dalawa nang huminto ang sasakyan sa COMELEC checkpoint sa bahagi ng Sitio Dinakan, Brgy. Dangoy, Lubuagan, Kalinga.
Sinabi ni Manganip na galing sa Tinglayan ang mga iligal na droga at ibebenta sana sa Tabuk City.
Sa ngayon ay nakasuhan na ang dalawa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Comelec checkpoint dahil sa tangka nilang pagtakas.