Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Cagayan Police Provincial Office at Philippine Drug Enforcement Agency ang mahigit P100,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa noong Disyembre 28, 2025 sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.

Pinangunahan ang operasyon ng Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni PLTCOL Noriel Lacangan, katuwang ang mga tauhan ng 2nd Platoon, 1st CPMFC at Peñablanca Police Station.

Naaresto sa operasyon ang isang 27-anyos na suspek na nakilala sa alyas na “William,” residente ng Tuguegarao City, na nakalista sa PNP at PDEA at pangalawang beses nang nahuli sa kaparehong kaso.

Narekober mula sa suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 15 gramo, isang tunay na P1,000 bill at 44 piraso ng P1,000 boodle money, isang Infinix Android cellphone, at isang empty pack ng sigarilyo.

Ang mga ebidensya ay maayos na naitala at inimbentaryo sa lugar ng operasyon sa presensya ng suspek, mga opisyal ng barangay, at kinatawan ng media.

-- ADVERTISEMENT --

Dinala ang suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa Peñablanca Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaugnay na kaso.