Nasabat sa Tuguegarao City kagabi ang nasa 1.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P10.2 million.

Ito ay matapos na isilbi ang search warrant laban sa isang high-value target sa kanyang mismong tahanan sa Galindon st., Bagay, Tuguegarao City.

Ang suspek ay isang 39 anyos, may asawa, at nasa watchlist ng PNP.

Kabilang sa mga nakuha sa suspek ang 19 na pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 million, isang plastik na nakabalot sa orange tea bag na may laman din na pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 million.

May nakuha din sa kanya na ilang plastic bag na may latak ng iligal na droga.

-- ADVERTISEMENT --

Kinumpiska ka rin sa kanyang pag-iingat ang isang baril na may 10 bala at ilang drug paraphernalia.

Kaugnay nito, sinabi PLTCOL Pepito Mendoza, hepe ng PNP Tuguegarao na halos tatlong buwan ang isinagawa nilang pagmamanman sa suspek bago isinagawa ang operasyon.

Ayon sa kanya, online transactions umano ang modus ng suspek, kaya humingi sila ng search warrant sa korte matapos na makasiguro sa pagtutulak nito ng iligal na droga.

Nakipag-ugnayan ang PNP Tuguegarao sa Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang operasyon ng 9:20 kagabi.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammonition.