TUGUEGARAO CITY- Apat na drug courier ang hindi nakalusot sa magkahiwalay na police checkpoint nang tangkaing ipuslit ang mahigit P14 milyon na halaga ng marijuana sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay Kalinga Police Provincial Office Acting Provincial Director PCol. Peter Tagtag Jr., unang nahuli sa checkpoint sa Lubuagan ang van na lulan ang mga suspek na sina Aldren Paul Cabanes Pacion, 27-anyos at Jaymor Sacatani Eusebio, 31-anyos, kapwa residente ng Tuao, Cagayan.
Sinabi ni Tagtag na naamoy ng canine sniffing dog ang mga marijuana at nang siyasatin ang sasakyan, narekober ang 106 piraso ng marijuana bricks at pitong tubular na nagkakahalaga ng P136 milyon.
Nabatid na binili ng dalawang suspek ang mga marijuana sa Buscalan, Tinglayan at ibibiyahe sana sa Maynila.
Sa police checkpoint naman sa Tabuk City, nahuli ang dalawa ring courier ng marijuana kung saan patuloy pang inaalam ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon kay Tagtag, pinara ng pulis ang sasakyan ng dalawa at dito natagpuan ang nasa sampung kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana bricks na nagkakahalaga ng P1.2 milyon na galing sa bayan ng Tinglayan.
Nabatid na mula Tuao, Cagayan at Parañaque City ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.