Pormal nang sinampahan ng kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sa pamamagitan ng inquest proceedings ang dalawang lalaking hinuli sa buybust operation sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.

Ayon kay PCAPT Leif Bernard Guya, deputy chief of police ng PNP-Peñablanca, pinangunahan ng Regional Drugs Enforcement Unit ang naturang operasyon sa Brgy. Alimannao na nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek na sina alyas Lito, 34-anyos, may-asawa at residente ng Carig Sur at alyas Dante, 37-anyos, walang asawa at residente ng Brgy. Malabbac, Iguig at kapwa nagtatrabaho sa isang construction company.

Bagamat si alyas Lito lamang ang target sa buybust kung saan narekober sa kanya ang isang heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may market value na P34k, subalit nang kapkapan ang kanyang kasama na si alyas Dante ay narekober ang isang brick ng dried marijuana leaves na nagkakahalaga ng P120k.

Ang naturang mga drugs item ay nasa pangangalaga na ng crime laboratory para sa kanilang pagsusuri.