Aabot sa P180,000 ang halaga ng mga nakumpiskang abandonadong kahoy sa kagubatan ng Sitio Nangalisan, Sta Clara, Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay PCAPT Orlan Capili, deputy chief of police ng Gonzaga Police Station, nasa 245 na piraso ng mga tinistis na kahoy na may ibat ibang sukat na umaabot sa mahigit 3,000 board feet ang nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng PNP Gonzaga, Provncial Intelligence Unit, Cagayan Provincial Mobile Force Company, at CENRO Aparri.

Una rito, nakatanggap ng tawag mula sa isang residente ang mga kapulisan kaugnay sa nadiskubreng mga kahoy na agad namang nirespondehan kung saan tumambad sa kanila ang ibat ubang uri ng kahoy tulad ng common soft wood at hard wood.

Batay sa imbestigasyon, maaring pinutol ang mga nasabing kahoy sa kabundukan at dinala sa nasabing lugar para kukunin at ibabiyahe.

Samantala, tuloy tuloy ang pakikipag ugnayan ng PNP sa Department of Environment and Natural Resources o DENR upang suriin ang mga dokumento ng mga furniture shops na maaring pinagbabagsakan ng mga suspek ng kanilang mga pinutol na kahoy.

-- ADVERTISEMENT --