Kulong ang isang magsasakang itinuturing na high value target matapos mahulian ng halos P1m na halaga ng iligal na droga sa ikinasang operasyon ng mga otoridad sa Brgy. Paitan, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Agent Salvacion Dela Cruz, focal person ng PDEA Region 2, halos isang buwan na isinailalim sa surveillance monitoring ang suspek na si James Baltazar, 32 anyos na residente ng Brgy. Sunlife, Naguillian, Isabela dahil nasa listahan din ng mga sangkot sa kalakalan ng iligal na droga ang kanyang pangalan.

Nakabili aniya ang nagpanggap na buyer ng apat na sachet ng shabu na may timbang na 30 grams na nagkakahalaga ng P204k at nakuha rin mula sa kanya ang marijuana na may kabuuang timbang na 5.5 kilos at nagkakahalaga ng P660, 000.

Sinabi ni Dela Cruz na isa rin sa modus ng suspek ay ang pagba-barter ng dala niyang marijuana kapalit ng droga sa kanyang mga binebentahan.

Batay sa kanilang datos ay ito ang isa sa pinakamalaking halaga na nahuli nila mula sa isang indibidwal ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagsisiyasat ng mga operatiba ay may mga isinasagawang transaction din ang suspek sa bayan ng Solano kung saan ay may mga minomonitor silang mga binebentahan nito.