Nasabat ng mga awtoridad sa Diadi, Nueva Vizcaya ang ilang tinistis na narra.

Ayon kay PCapt Darylle Marquez, hepe ng PNP Diadi, pinatigil ng mga pulis na nagbabantay sa checkpoint ang isang elf dahil sa wala itong plaka sa likod at maging sa harap.

Nang tanungin ang driver at pahinante ng sasakyan, wala silang masabi na rason kung bakit walang plaka ang kanilang sasakyan.

Dahil dito, tinignan ang likod ng elf, kung saan nakita ang ilang narra.

Walang maipakitang mga dokumento ang dalawa para sa mga nasabing narra, kaya kinumpiska ang mga ito maging ang sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Marquez, sinabi ng dalawa na dadalhin sana nila ang mga nasabing narra sa Bulacan na mula sa Tabuk City, Kalinga.

Subalit, sinabi ni Marquez na wala silang napiga na impormasyon kung kanino galing ang mga nasabing kontrabando at maging kung kanino ito dadalhin, dahil sa inutusan lamang umano sila.

Nagkakahalaga ang mga narra ng mahigit P1 million.

Nabatid na kapwa mula Paracelis, Mountain province ang dalawa.