Asahan ng mga motorista ang isa na namang pagtaas sa presyo ng langis sa susunod na linggo, kung saan ito na ang ikatlong sunod na oil price hikes ngayong 2025.
Batay sa international fuel trading sa nakalipas na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, asahan ang P1.35 hanggang P1.60 per liter ng gasolina, P2.30 hanggang P2.60 per liter ng Diesel, at P2.30 hanggang P2.50 per liter ang kerosene.
Sinabi ni Romero na ang mga mahahalagang balita sa international oil market ang nakaapekto sa paggalaw ng presyo ng langis.
Tinukoy ni Romero ang panibagong sanction ng US at United Kingdom sa langis ng Russia.
Ipinaliwanag niya na ito ay magreresulta sa pagbabawas sa Russian exports na magbubunsod naman ng pagtaas sa presyo ng petroluem products, dahil sa kailangan na mag-adjust ang merkado sa pagkawala ng supply mula sa isa sa pinakamalaking oil producers
Ihahayag ng oil firms ang official price adjustments sa Lunes, na ipatutupad naman sa susunod na araw o Martes.