
Asahan ang malaking dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, November 4.
Ayon sa Department of Energy, batay sa four-day trading monitoring ng Means of Plats Singapore, asahan ang P1.20 per liter sa gasolina, P2.15 per liter sa Diesel, at P1.75 per liter sa kerosene.
Ipinaliwanag ni DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ang malaking pagtaas sa presyo ng langis ay dahil sa huminahon na trade tension sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Sinabi ni Romero na kapag nagkaayos ang dalawang malalaking bansa, tataas ang demand sa petrolyo dahil sa gaganda ang kanilang ekonomiya.
Nakaapekto rin sa oil price hike ang sanctions na ipinataw ng United Kingdom, United States at European Union sa Russia.
Samantala, tiniyak ni Romero sa publiko na ang oil price adjustments ay mula sa pagbabago sa international oil market at hindi kontrolado ng energy department.
Tinaya din ni Romero ang posibilidad ng rollback sa ikalawang linggo ng Nobyembre kung tuloy-tuloy na itataas ng Organization of the Petroleum Exporting Countries and allies (OPEC+) member countries ang kanilang oil production.
 
		 
			









